Pumirma ang 44 na Public Utility Jeepney (PUJ) driver ng kontrata sa ilalim ng Service Contracting Program sa tanggapan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) noong Miyerkules, ika-18 ng Nobyembre 2020. Ang nasabing mga drivers ay ang unang grupo na pumirma sa ilalim ng programa.

Ang Service Contracting Program ay isang programa ng Department of Transportation (DOTr), katuwang ang LTFRB, na magbibigay ng karagdagang tulong sa ating mga drayber ngayong panahon ng pandemya at ng new normal. Sa pamamagitan ng programang ito, hinihikayat ng Kagawaran ang mas maayos at ligtas na serbisyo sa pampublikong transportasyon para sa ating mga pasahero.

Bago pumirma ang mga naturang PUJ drivers na naging kwalipakado sa ilalim ng programa, dumaan sila sa training at orientation na pinangunahan ng LTFRB Service Contracting Program Implementing Unit (PIU) at Systems Manager.

Sa pagpirma ng mga PUV driver sa kontrata sa ilalim ng Service Contracting Program, sila ay makatatanggap ng insentibo base sa bilang ng kilometro na kanilang ibiniyahe, at iba pang Key Performace Indicators na nakapaloob sa programa. Bukod diyan ay bibiyahe ang isang driver ng 9 na oras lamang sa isang araw.

Pinapaalalahanan naman ang mga driver na kailangang sundin nila ang mga public health safety guidelines na ipinatupad ng Inter-Agency Task Force for Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) tulad ng 7 Commandments para sa pampublikong transportasyon, upang matiyak ang kaligtasan at seguridad ng mga pasahero sa gitna ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) pandemic.

Hindi naman bababa sa 60,000 PUV drivers ang inaasahang magiging parte ng programa.

Patuloy naman ang panawagan ng LTFRB sa mga PUV driver na mag-register sa Service Contracting Program para mapabilang sa database ng mga drayber na kwalipikadong masama sa naturang programa.

Sa mga nais sumali sa programa, maaaring mag-register sa pamamagitan ng alin man sa mga sumusunod na pamamaraan:

1. Magrehistro sa pamamagitan ng Google Form. I-click ang link na ito: https://tinyurl.com/ServiceContracting

2. Personal na pumunta sa Door D, Ground Floor, LTFRB Central Office, East Avenue, Quezon City para magrehistro. Maaring mag walk-in mula 9AM hanggang 4PM, Lunes hanggang Biyernes.

3. Tumawag sa aming Hotline: 1342 at ibigay ang impormasyon na hinihingi ng aming personnel.

Para sa karagdagang impormasyon ukol sa Service Contracting Program, regular na bisitahin ang LTFRB Official Facebook page.