Binuksan na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) CARAGA, sa pamumuno ni OIC Regional Director Ma. Kristina Cassion, ang anim (6) na inter-regional Public Utility Bus (PUB) routes papunta at pabalik ng Region 10 at 11 ngayong araw, 04 Agosto 2020, matapos ipatupad ang General Community Quarantine (GCQ) at Modified General Community Quarantine (MGCQ) sa iba’t ibang lugar sa rehiyon.

Base sa Regional Office Circular No. 2020-022, ang Special Permits (SPs) para sa mga bubuksang ruta ay epektibo mula ika-1 hanggang ika-15 ng Agosto 2020 o habang epektibo ang GCQ at MGCQ sa lugar.

Noong 22 July 2020, naglabas ang Regional Task Force for COVID-19 One Caraga Shield ng Resolution No. 56, Series 2020 kung saan pinapayagan ang pagbabalik operasyon ng inter-regional PUBs. Bagamat aprubado ng RTF ang pag-operate sa mga inter-regional routes, makakabiyahe ang mga PUB base sa mga kondisyon at mandato ng Interagency Task Force for Emerging Infectious Diseases (IATF-EID), Department of Transportation (DOTr), at LTFRB.

Nakipag-ugnayan ang LTFRB CARAGA sa LTFRB Region X, sa pamumuno ni Regional Director Aminoden Guro, at Region XI, sa pamumuno naman ni Regional Director Armand Dioso, upang pag-aralan ang muling pagbubukas ng mga ruta. Matapos ang konsultasyon at masusing pag-aaral, nakita ng RFRO ang pangangailangan sa muling pagbubukas ng mga ruta upang matugonan ang hinihingi ng mga pasahero.

Bilang pagtanggap sa desisyong ito, naglabas ang RFRO XI ng Office Circular No. 2020-40 o “Adopting LTFRB RFRO Caraga Regional Office Circular No. 2020-022 as Amended in Relation to Routes Plying Davao Region”. Tatlo (3) sa anim (6) na inilabas na PUB routes ay patungo Davao City na sakop ng Region XI.

Simula ngayong araw, ika-04 ng Agosto, bukas na ang mga ruta ng:

  1. Butuan City – Cagayan de Oro City, and vice versa
  2. Butuan City – Davao City, and vice versa
  3. Surigao City – Cagayan de Oro City, and vice versa
  4. Surigao City – Davao City, and vice versa
  5. Tandag City – Cagayan de Oro City via Barobo, and vice versa
  6. Tandag City – Davao City via Barobo, and vice versa

Bukod sa mga probisyon ng ROC No. 2020-022, pinapaalala ng LTFRB CARAGA sa mga PUB operators na sundan pa rin ang public health safety protocols sa pagbiyahe, tulad ng Social Distancing at 50% maximum passenger load capacity.

Ang pagkuha ng Special Permit ay isasagawa sa pamamagitan ng online facility na itatayo ng RFRO. Wala itong bayad sa kabuoan ng GCQ/MGCQ.