Nais linawin ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang inilabas na nilastahan ng ahensya na may pangalan ng mga benepisaryo ng Fuel Subsidy Program, kasunod ng mga naging komento ng publiko sa paglabas ng naturang listahan.

Ipinapaalam ng LTFRB na kapag ang pangalan ng benepisaryo ay nasa listahan na nasa website ng ahensya, ito ay nangangahulugan na na-credit na ng Landbank of the Philippines (LBP) ang naturang indibidwal ng P6,500 na Fuel Subsidy. Ito ay upang makumpirma ng publiko na ang mga nasa listahan ay mismong benepisaryo ng naturang programa.

Bukod diyan, kasama rin sa listahan ang mga rider ng delivery services na sakop ng Department of Trade and Industry (DTI). Sa ilalim ng Fuel Subsidy Program, ang mga naturang rider ay makatatanggap ng P4,500 na halaga ng Fuel Subsidy.

Base rin sa naturang listahan, kasama ng pangalan at plate number ng Public Utility Vehicle (PUV) unit ng benepisaryo ang branch ng Landbank of the Philippines (LBP) kung saan makukuha ang kanilang Pantawid Pasada Card (PPC). Kung wala man ang LBP branch sa pangalan ng benepisaryo, nangangahulugan na mayroon na siyang existing account sa naturang bangko at doon idineretso ang Fuel Subsidy.

Tulad ng naunang pahayag patungkol sa listahan ng mga benepisaryo ng Fuel Subsidy Program, layon ng pagsasapubliko ng listahan ang makumpirma ang ilang hinaing ng mga operator o driver na hindi pa raw nakatatanggap ng kanilang Fuel Subsidy. Kasunod ‘yan ng mga pahayag ng ilang grupo ng operator at driver na hindi pa sila nabibigyan ng subsidiya ng LTFRB.

Para makita ng mga PUV operator kung kasama sila sa makatatanggap ng Fuel Subsidy, i-click lamang ang link na ito: https://ltfrb.gov.ph/?p=10124

Walang tigil ang ahensya sa pagpapatupad ng mga programang layong tumulong sa mga driver at operator ng pampublikong transportasyon. Kinikilala ng LTFRB ang tungkuling ginagampanan nila upang mapanatiling buhay ang ekonomiya ng bansa.

Para sa karagdagang impormasyon o mga katanungan patungkol sa Fuel Subsidy Program, maaaring tumawag sa aming LTFRB 24/7 Hotline: 1342 o mag-send lang ng message sa LTFRB Official Facebook page o magtungo sa official website ng LTFRB.

#LTFRB
#FuelSubsidyProgram