Tinalakay sa pagdinig ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang petisyon ng mga bus operators na taasan ang singil ng pamasahe sa mga Public Utility Bus (PUB) sa isinagawang En Banc Hearing ngayong araw, ika-28 ng Hulyo 2022.

Sa joint petition na isinumite ng Southern Luzon Bus Operators Association (SOLUBOA), Nagkakaisang Samahan ng Nangangasiwa ng Panglalawigang Bus sa Pilipinas, at Samahang Transport Operators ng Pilipinas (STOP) Inc., hiling nilang maging P20 ang minimum fare sa unang limang (5) kilometro sa air-conditioned City PUB, at P3.40 na singil kada kilometro na lagpas ng 5 kilometro, habang nasa P15 naman sa ordinary City PUB, na may P2.70 kada kilometro.

Para sa Provincial PUB, nasa P15 ang hiling na pamasahe ng mga PUB operators sa ordinary PUB, na may P2.00 singil kada kilometro. Sa air-conditioned PUB, P2.50 ang singil sa kada kilometro ng Regular Aircon Bus, P2.60 sa kada kilometro ng De Luxe, P2.70 sa kada kilometro ng Super De Luxe, at P3.60 sa kada kilometro sa Luxury.

Ayon sa mga bus operator, kakaunti na lang ang nag-o-operate na PUB dahil sa mataas na presyo ng krudo. Dagdag pa nila, ang kasalukuyang fare matrix sa mga PUB ay na-implementa noong naglalaro pa sa mahigit P44 ang kada litro ng langis noong 2018.

Sagot naman ng LTFRB, naiintindihan nila ang pangangailangan ng mga PUB operators na maipagpatuloy ang pagpasada ng mga PUB lalo na sa nararanasang pandemya sa bansa.

Bukod sa pag-aral sa pagpapatupad ng provisional fare increase sa mga PUB, inaaral din ng ahensya ang muling pagbubukas ng ilang ruta sa bansa upang tugunan ang inaasahang pagdami ng mga pasahero ngayong pasukan kasunod ng pag-implementa ng Face-to-Face Classes.

Nangako naman ang mga PUB operators na mas mapapabilis ang kanilang pagbalik sa 100% PUB operations kung mapagbibigyan ang kanilang hiling na taas-pasahe.

Hinihintay naman ng LTFRB ang posisyon ng National Economic Development Authority (NEDA) at Department of Energy (DOE) sa naturang petisyon, na didinggin muli ng ahensya sa ika-11 ng Agosto 2022.

#LTFRB