Tumatanggap na ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng aplikasyon para sa Expanded Equity Subsidy sa ilalim ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) upang makakuha ng modernized Public Utility Vehicle (PUV).

Ang Equity Subsidy ay subsidiyang ibinibigay sa mga Transport Service Entities (TSE) na nakapag-consolidate at may rutang sertipikado ng Board kung saan maaari silang mag-operate gamit ang mga modern Public Utility Vehicle (PUV). Ang naturang subsidiya ay gagamitin sa pagbili ng Modern PUV.

Simula nang ilunsad ang PUVMP noong 2018, sinusunod ng ahensya ang 5/6/7/8 scheme kung saan ang pagkuha ng sasakyan sa 5% downpayment na may 6% loan interest na mababayaran sa loob ng pitong (7) taon. Ang naturang downpayment ay nagkakahalaga ng P80,000. Nitong 2020, tinaasan ng Department of Transportation (DOTr) ang Equity Subsidy sa P160,000 bilang tugon sa pangangailangan ng mga nais makakuha ng modern PUV sa gitna ng pandemya.

Base sa inilabas na Memorandum Circular No. 2022-063 noong ika-24 ng Hunyo 2022, mula P210,000 hanggang P600,000 na ang Equity Subsidy na matatanggap ng TSE na nakapag-consolidate at may ruta, at nais nang makakuha ng modern PUV.

Kung dati ay maaari lang makakuha ng subsidiya sa Landbank of the Philippines (LBP) o sa Development Bank of the Philippines (DBP), ngayon ay maaari nang mag-apply ng Equity Subsidy sa mga private banks, rural banks, cooperative banks at ibang lehitimong financial institution na accredited ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), rehistrado sa Securities and Exchange Commission (SEC), at accredited at awtorisado ng Cooperative Development Authority (CDA).

Regular na bisitahin ang LTFRB Official Facebook page o Facebook page ng PUVMP National Project Management Office para sa mga karagdagang impormasyon na ilalabas, patungkol sa Expanded Equity Subsidy. Para naman sa mga karagdagang katanungan, maaaring tumawag sa LTFRB 24/7 Hotline: 1342

#LTFRB
#DOTrPH
#PUVMP
#ExpandedEquitySubsidy