“No Vax, No Ride Policy”: DOTr at LTFRB, Kasama N’yo Upang Matiyak ang Kaligtasan sa Malawakang Pagkalat ng Covid-19

Bilang pagtugon sa kautusan ng Department of Transportation (DOTr), naglabas ang Land Transportation Franchising & Regulatory Board (LTFRB) ng Memorandum Circular Number 2022- 001: Guidelines on the Access to Public Land Transportation Services for the Vaccinated Population in the National Capital Region under Alert Level No. 3 or Higher, Pursuant to Department of Transportation Department Order No. 2022-001.

Ipinagbabawal ng nasabing kautusan ang pagsakay sa pampublikong transportasyon ng mga hindi bakunadong residente sa National Capital Region (NCR) at mga mananakay sa karatig probinsiya na nais pumunta sa NCR.

Alinsunod nito, ang mga operator ng pampublikong sasakyan ay maaari lamang magbigay ng ticket o magpasakay sa mga ganap na bakunadong mga indibidwal na magpapakita ng kanilang pagkakakilanlan (ID) at katayuan ng pagbabakuna (Vaccination Card).

Ayon sa kautusan, maituturing na ganap na bakunado ang isang mananakay kapag dalawang linggo na ang nakalipas matapos matanggap ang kanilang pangalawang dosis ng bakuna sa COVID-19, o dalawang linggo pagkatapos makakuha ng isang solong dosis na bakuna.

Ngunit ang mga may kondisyong medikal na pumipigil sa pagbabakuna sa COVID-19 at mga taong kailangang makakuha ng mahahalagang produkto at serbisyo ay hindi kasama sa pagbabawal. Sa ganitong pagkakataon, kinakailangan lamang ng sertipikasyon bilang katunayan. Dagdag pa rito ay exempted din sa pagbabawal ang mga pupunta sa vaccination sites.

Magugunitang, noong nakaraang Enero 11, 2021, naitala ng Department of Health (DOH) ang pinakamataas na bilang ng bagong kaso ng covid-19 sa bansa na lumampas sa 33,000 sa unang pagkakataon. Sa ngayon, nakapagtala na ang bansa ng mahigit 3 milyong kaso ng Covid-19 mula nang magsimula ang pandemya na nauugnay sa pagtaas ng local transmission ng Omicron variant.

Ayon sa Kalihim ng DOH Francisco Duque III, ang Pilipinas ay nasa “kritikal na panganib” mula sa Covid-19 habang ang bansa ay nagpupumilit na pigilan ang matinding pagtaas ng mga impeksyon na pinaniniwalaang dulot ng Omicron variant.

“Ang ating bansa ay kasalukuyang nasa ilalim ng critical risk case classification na may 690% na pagtaas sa pitong araw na moving average ng araw-araw na naiulat na mga kaso,” sabi ni Duque sa isang briefing kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon sa mga eksperto, karamihan sa mga bagong impeksyon sa COVID-19 na naitala kamakailan ay mula sa NCR. Kung kaya’t mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang naglabas ng kautusan na limitahan ang pag galaw ng hindi pa bakunadong mga indibidwal.

Ang nasabing kautusan ang nag-udyok sa mga ahensya ng gobyerno na maglabas ng mga patakarang naglilimita sa paggalaw ng mga tao upang mapigil man lang ang pagkalat ng virus sa NCR.

Sa Kalakhang Maynila, naglabas naman ang Metro Manila Council ng MMDA Resolution No. 22-01 series of 2022 upang himukin ang mga lokal na pamahalaan ng Metro Manila na limitahan ang pagalaw ng mga hindi bakunadong mga residente, na nagbunsod ng paglabas ng kabi-kabilang mga ordinasa naman mula sa mga nasabing LGU sa loob ng NCR.

Sa bahagi naman ng DOTr at ng LTFRB ay ang paglabas ng mga nasabing kautusan upang tulungan ang publiko sa pagpigil sa malawakang pagkalat ng Covid-19 at tiyakin ang kaligtasan ng pampublikong transportasyon sa bansa.

Inaasahan ang malawakang implementasyon nito sa NCR sa darating na Lunes, ika-17 ng Enero kung kaya’t hinihikayat ng pamunuan ng DOTr at LTFRB ang tapat na pagsunod ng ating mga mananakay.