METRO MANILA – Mamamahagi ang Department of Transportation (DOTr), sa pamamagitan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), ng direct cash subsidy sa mga piling operator ng mga pampublikong sasakyan sa iba’t ibang rehiyon ng bansa.

Ito ay alinsunod sa Republic Act 11494 o mas kilala bilang Bayanihan to Recover As One Act, kung saan mayroong nakalaang PhP1,161,214,210 (Isang Bilyon, Isang Daan at Animnapu’t Isang Milyon, Dalawang Daan Labing-apat na Libo, Dalawang Daan at Sampung Piso) na pondo upang tulungan ang mga critically-impacted road-based stakeholders.

Ang bawat benepisyaryong public utility vehicle (PUV) operator ay mabibigyan ng ayuda na may halagang PhP6,500 (Anim na Libo at Limang Daang Piso) kada unit.

Ayon sa batas, ang DOTr, sa pamamagitan ng LTFRB, ang mangangasiwa sa pamamahagi ng pondo upang makatulong sa muling pagbangon ng mga PUV operators na lubhang naapektuhan ang hanapbuhay dahil sa pandemya.

Sa kabila ng pagbabalik-operasyon ng Public Utility Vehicles (PUV), nananatiling limitado pa rin ang kapasidad ng mga pampublikong transportasyon upang masiguro ang kaligtasan ng mga pasahero.

Nakita ng gobyerno ang pangangailangan ng mga PUV operator ng suportang pinansyal sapagkat hindi pa sapat ang kita sa bawat araw para mabawi ang operation at maintenance cost ng pagpapatakbo ng PUV.

Ang mga benepisyaryo ng direct cash subsidy ay mga operator ng mga sumusunod na PUV na may nakatakdang ruta:
– Public Utility Bus (PUB);
– Point-to-Point Bus (P2P);
– Public Utility Jeepney (PUJ);
– Mini-Bus; – UV Express; at
– FilCab
Ang direct cash subsidy ay maaari nilang gamitin sa mga sumusunod:
– Pambayad sa utang;
– Para sa fuel at iba pang operational at maintenance expenses;
– Pambili ng equipment, supplies o facilities na mahalaga upang maiwasan ang health risks na dulot ng COVID-19 (i.e. face mask, face shield, alcohol, etc.); at
– Iba pang pangangailangan ng benepisaryo upang maipagpatuloy ang kanilang araw-araw na operasyon.

Ipamamahagi naman ang direct cash subsidy sa pamamagitan ng mga sumusunod na paraan:
– Ilalagay sa Landbank of the Philippines (LBP) Pantawid Pasada Program (PPP) Cash Cards;
– Sa mga walang PPP cash cards, ilalagay sa inyong existing LBP account;
– Ilalagay sa inyong existing bank account sa pamamagitan ng PESONet at INSTAPay.

Target ng LTFRB na maumpisahang maipamahagi ang direct cash subsidy sa mga operators ngayong linggo.
Para sa mga katanungan, maaaring tumawag sa LTFRB Hotline: 1342