Tuloy-tuloy ang pagbigay ng tulong ng Department of Transportation (DOTr), kasama ang Land Transportationg Franchising and Regulatory Board (LTFRB), Department of Interior and Local Government (DILG), Department of Health (DOH), Department of Social Welfare and Development, at Philippine National Police (PNP), sa mga Locally Stranded Individuals (LSI) upang makauwi sa kani-kanilang probinsya sa pamamagitan ng Hatid-Tulong Program.

Layunin ng programa na ibiyahe ang mga LSI na nais makablik sa kanilang probinsya ngunit hirap nang umuwi dahil sa banta ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19). Tinatayang mahigit 8,000 LSI ang inaasahang makakauwi sa iba’t-ibang rehiyon.

Walang patid din ang pagtulong ng LTFRB Regional Franchising Regulatory Offices (RFROs) sa pagtanggap sa mga LSI na nais makabalik sa kani-kanilang probinsya sa gitna ng mga panganib na dulot ng pandemya.

REGION I – Sinamahan ni LTFRB I Regional Director Nasrudin Talipasan pauwi sa kani-kanilang probinsya ang nasa 35 na LSI kahapon, 27 July 2020. Ibinaba sa mga drop-off points sa TPLEX Anonas, Urdaneta City, Pangasinan at Brgy. Udiao, Rosario ang mga naturang LSI.

REGION II – Kahapon din ay nakauwi ang nasa 125 LSI sa mga probinsya sa Region II sa tulong ng mga empleyado ng LTFRB RFRO sa pangunguna ni Regional Director Edward Cabase. Nakababa ang mga LSI sa iba’t-ibang drop-off points sa rehiyon: Convention Center sa Nueva Vizcaya Provincial Capitol in Bayombong, Nueva Vizcaya, Punta Amelita Resort sa Cordon, Isabela, Cabarroguis, Quirino, at sa Cagayan Sports Coliseum sa Tuguegarao City, Cagayan.

REGION 4 – 11 naman na mga LSI ang nakabalik na sa kani-kanilang probinsya, patuloy na nakaantabay ang LTFRB RFRO IV, sa pangunguna ni Regional Director Renwick Rotaquiao, na tanggapin ang mga LSI na galing Metro Manila sa mga susunod na araw.

REGION V – Natanggap na ng LTFRB Region V, sa pangunguna ni Regional Director Col. Antonio Gardiola JR. (ret.), ang nasa 152 LSI na dumating sa Bicol Region kahapon, 27 July 2020.

REGION VI – Kahapon din ay nakarating na sa rehiyon ang nasa 623 LSI mula Metro Manila. Walang patid ang pagtulong ng LTFRB Region VI, sa pangunguna ni Regional Director Richard Osmeña, para maiuwi ang mga LSI sa kani-kanilang probinsya.

REGION VII – Nakauwi ang nasa 260 LSI sa rehiyon noong Linggo, 26 July 2020, sa tulong ng Philippine Coast Guard. Kinabukasan naman ay dumating ang 65 na LSI mula Metro Manila. Sa pangunguna ni LTFRB VII Regional Director Col. Eduardo Montealto (ret.), patuloy ang paghatid ng mga LSI sa kani-kanilang probinsya.

REGION VIII – Nakarating na sa rehiyon noong Linggo, 26 July 2020, ang nasa 696 LSI mula Metro Manila sakay ng 35 bus. Pinakalat naman ng LTFRB VIII Regional Director Gualberto N.Gualberto ang mga empleyado ng ahensya sa iba’t-ibang drop-off points sa rehiyon para ma-monitor ang pagdating ng mga LSI.

REGION IX – Kahapon ay tinanggap ng LTFRB Region IX, sa pangunguna ni Regional Director Nonito Llanoos III, ang nasa 79 na LSI na dumaong sa Cagayan de Oro City Port. Bukod pa ‘yan sa 187 LSIs na naunang dumating noong nakaraang linggo sa Zamboanga City Port.

REGION X – Sa dami ng LSI pabalik ng Mindanao na dumadaan sa pantalan sa Cagayan de Oro City, nasa 250 LSI ang umuwi sa rehiyon. Patuloy namang nakaantabay ang LTFRB Region X, sa pangunguna ni Regional Director Aminoden Guro, sa pagdating ng ilan pang LSI mula Metro Manila.

REGION XI – Nasa 517 LSI na ang nakauwi ng Davao Region noong Sabado, 25 July 2020. Patuloy na inaantabayanan ng LTFRB Region XI, sa pangunguna ni Regional Director Armand Dioso ang pagdating ng mga natitirang LSI na pauwi sa naturang rehiyon.

REGION XII – Pinapangunahan ni LTFRB XII Regional Director Col. Paterno Padua (ret.) ang pagtanggap sa 724 LSI na dumating sa rehiyon noong Sabado, 25 July 2020. Patuloy ang pagtulong na ahensya sa mga naturang LSI na nais makauwi sa kani-kanilang probinsya.

CARAGA – Noong Sabado rin, nasa 877 LSI ang natatanggap ng LTFRB CARAGA, sa pangunguna ni OIC Regional Director Ma. Kristina Cassion, at inaasahang dadami pa ang mga uuwi sa mga susunod na araw. Naka-schedule naman ang pag-uwi ng ilan pang LSI bukas.

CAR – Nakauwi na kahapon ang nasa 55 LSI sa CAR mula Metro Manila. Ang ilan sa mga ito, sumabay sa biyahe ng mga LSI papuntang Cagayan, kabilang ang walong LSI pauwi ng Kalinga at limang LSI na pabalik ng Ifugao. Huling sinalubong ng LTFRB-CAR ang mga siyam na LSI na pauwi ng Baguio City at Mt. Province na dumating kaninang umaga.

Bago bumiyahe ang mga LSI mula Metro Manila, sumailalim sila sa rapid testing alinsunod sa alituntunin ng Inter-Agency Task Force for Emerging Infectious Diseases (IATF-EID). Bukod diyan, sasailaim pa sila sa mandatory 14-day quarantine oras na makarating sa kanilang probinsya.