Inilabas ngayong araw, 16 Oktubre 2020, ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang Memorandum Circular 2020-061 na nagpaptibay sa pagpapatupad ng “one-seat apart” rule at iba pang health and sanitation protocols ng Department of Transportation sa loob ng mga pampublikong sasakyan.

Ito ay matapos aprubahan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte at ng buong Gabinete ang mga rekomendasyon ng Economic Development Council (EDC) na naglalayong makatulong sa pagbangong muli ng ekonomiya ng bansa.

Ang mga sumusunod na polisiya ay nakapaloob sa MC 2020-061:
1. Isang upuan ang layo ng bawat pasahero sa isa’t-isa sa loob ng PUV— maaaring magtabi ang pasahero sa isang hilera ng upuan basta may plastic barrier sa pagitan ng dalawang pasahero:
2. Dapat obserbahan ng bawat pasahero ang mga sumusunod habang nakasakay sa loob ng PUV:
a. Tamang pagsuot ng face mask
b. Tamang pagsuot ng face shield
c. Pag-iwas sa pakikipag-usap at pagkain sa loob ng pampublikong sasakyan d. Pagsunod sa tamang pagdistansya sa loob ng PUV sa lahat ng oras;3. Pagpapanatili ng Operator at Driver ng kaukulang ventilation sa loob ng PUV unit;
4. Pagsunod sa tamang pag-disinfect ng mga PUV unit. Bukod sa mga disinfecting agents, pinapayagan din ang paggamit ng UV light;
5. Pagbawal sa mga pasaherong may sintomas ng Covid-19 (may ubo, sipon, lagnat) na sumakay ng PUV, at;
6. Pagsunod sa iba pang mga alituntunin ng Inter-Agency Task Force for Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) at Department of Health (DOH), bukod pa sa mga naunang polisiya ng LTFRB sa pag-operate ng mga PUV.

Ang sinumang lalabag sa mga alituntuning ito ay papatawan ng karamptang parusa o multa, gaya ng pagkasuspinde o pagkatanggal ng prangkisa. Dahil dito, mahigpit na pinapaalalahanan ng LTFRB ang nga pasahero, drayber, operator at konduktor ng mga pampublikong sasakyan na sumunod sa mga patakaran upang maiwasan ang anumang abala.