Magbubukas ng karagdagang anim (6) na UV Express routes ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), na magbibigay permiso sa dagdag na 429 UV Express units na maaaring tumakbo sa Kalakhang Maynila simula sa ika-23 ng Nobyembre 2020. Alinsunod ito sa Memorandum Circular (MC) 2020-074 na ipinasa ng LTFRB kahapon, ika-19 ng Nobyembre 2020.

Narito ang mga sumusunod na UV Express routes na magbubukas sa Nobyembre 23, base sa MC 2020-074:

• C65 Calumpit (Bulacan) – CIT (Quezon Avenue)

• C66 Cogeo – Cubao via Marcos Highway

• C67 Cubao-Padilla via Ermin Garcia, Marcos Highway

• C68 Robinson’s Cainta – Edsa Central

• C69 Alabang – Imus Toll Bridge

• N55 SM North EDSA – SM Fairview

Kahapon ay inaprubahan din ng LTFRB ang pagbubukas ng dalawang (2) provincial bus routes para sa 20 Provincial Public Utility Bus (PUB) na maaaring tumakbo simula sa ika-23 ng Nobyembre 2020. Ito ay alinsunod sa MC 2020-075 na ipinasa rin kahapon ng ahensya.

Narito naman ang mga sumusunod na Provincial PUB routes na magbubukas sa Nobyembre 23, base sa MC 2020-075

• Davao City – Tacloban City

• Davao City – Ormoc City

Maaaring bumiyahe ang mga roadworthy PUVs na may valid at existing Certificate of Public Convenience (CPC) o Application for Extension of Validity, at kinakailangang naka-rehistro sa Personal Passenger Insurance Policy ang bawat unit sa mga rutang nakapaloob sa MC.

Bilang kapalit ng Special Permit (SP), mayroong QR Code na ibibigay sa bawat operator na dapat ilagay sa short bond paper at ipaskil sa PUV. Mada-download ang QR Code mula sa official website ng LTFRB (https://ltfrb.gov.ph/).

Muling pinapaalala ng ahensya na walang ipatutupad na taas-pasahe sa mga naturang UV Express at PUB, maliban na lang kung ipag-uutos ito ng LTFRB.

Dagdag pa riyan, istriktong ipatutupad ang mga sumusunod na “7 Commandments” sa lahat ng pampublikong transportasyon, na ayon sa rekomendasyon ng mga health experts:

1) Laging magsuot ng face mask at face shield;

2) Bawal magsalita at makipag-usap sa telepono;

3) Bawal kumain;

4) Laging panatilihin ang maayos at sapat na ventilation sa mga PUV;

5) Laging magsagawa ng disinfection;

6) Bawal sumakay ang mga pasaherong mayroong sintomas ng COVID-19 sa pampublikong transportasyon; at

7) Laging sundan ang panuntunan sa physical distancing (“one-seat apart” rule).

Pinapaalala rin ng LTFRB sa mga UV Express at PUN na sundin ang mga patakaran ng ahensya. Ang sinumang mahuli na lalabag sa mga probisyon ng MC ay papatawan ng kaukulang parusa, tulad ng pagmumulta at pagkatanggal ng kanilang ng CPC o PA.