Malugod na nagpapasalamat ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Region V, sa pamumuno ni Regional Director P/Maj. Gen. Antonio B. Gardiola Jr. (Ret.) sa maagap at walang pag-aatubiling pagtulong na ipinaabot ng mga empleyado at miyembro ng transport cooperatives at corporations sa LTFRB Caraga at Cordillera Administrative Region (LTFRB CAR).

Nang humagupit ang Super Typhoon Rolly sa bansa noong ika-1 ng Nobyembre 2020, marami sa mga residente ng Bicol Region ang nawalan ng tahanan, kabuhayan, at mga pangunahing pangangailangan dahil sa dalawang beses na pagtama ng bagyo. Bukod sa malakas na hangin at ulan ay nagkaroon din ng lahar flow mula sa Mayon Volcano na nabigay ng dagdag na panganib sa rehiyon.

Nagsimulang tumanggap ng donasyon ang LTFRB Region V upang magbigay dagdag tulong sa mga biktima. Naging maagap ang responde ng iba pang Regional Franchising and Regulatory Offices (RFRO) ng ahensya sa pagbibigay tulong.

Nakapag-abot ng halagang P30,000, pati na rin mga gulay at damit, ang LTFRB CAR. Nakapagbigay naman ng P26,720 ang LTFRB Caraga. Ang mga donasyon na ito ay nalikom sa tulong ng mga empleyado at miyembre ng transport cooperatives at corporations sa kanilang rehiyon.

Marami pa ang nangangailangan ng pagkain bigas, canned goods, noodles, kape, damit, at hygiene kits. BUKAS PA ANG AHENSYA sa mga nais tumulong, maaaring makipag-ugnayan sa aming LTFRB RFRO sa Region V.

Tumawag lamang sa numerong 0917 804 2684 o mag-message sa kanilang Facebook page https://www.facebook.com/LTFRBRegion5